Tuesday, March 16, 2010

Episode Four- Iisa Pa lamang (Part 1)

Lingid sa kaalaman ng mga tao sa burol, matapos lumabas ni Helena ng funeraria ay nagmadali itong sumakay ng kotse.

Pinaandar ang makina... Tinapakan ang gasolina... At pinatakbo ang sasakyan na para bang wala ng bukas.

"Mamamatay ang lahat ng haharang!"


Ito ang nasa isip ni Helena habang hawak ang manibela. Nagsimula na ring tumulo ang kanyang mga luha. Kahit anong pigil niya ay animo may sariling utak ang kanyang mga mata at hindi nito sinusunod ang nais niya.

Patuloy siyang nagmaneho. Mabilis na mabilis. Kung mangyayari sa kasalukuyan ang naganap sa bibliya, ito na siguro iyon... Kusang nahahati ang daan sa pagkaripas ng kotse ni Helena.

Hanggang sa muntik nitong malagpasan ang isang restaurant. Makikitang ang restaurant ay may makalumang tema. Binuwelta niya ang kotse at pumarada.


Tumingin sa salamin at nakita ang malapit ng mamagang mga mata. Pinunasan niya ang mga ito at inalala ang palaging sinasabi ng kanyang yumaong ina.

"Ang pag-iyak ay para lamang sa mahihina. Dapat kang maging malakas, Helena."

Inayos niya ang buhok at bumaba ng kotse. Sa pintuan pa lang ay mahahalatang kilala siya ng mga nagtatrabaho sa restaurant. Nagbibigay galang ang mga ito at bumabati. Dirediretso lang siya na parang alam na niya ang pupuntahan sa lugar.

Walamg siyang pinapansin. Dumaan siyang parang masamang hangin sa mga lamesang punung-puno ng mga tao.

Umakyat siya sa isang malaki at magarbong hagdan matapos makalampas sa mga taong kumakain ay lumiko siya sa isang pasilyo.


Sa dulo nito ay may pinto. nang bubuksan na ni Helena ay napansin niya ang malaking kuwadro. Ito ay naglalaman ng kanyang larawan at ng isang lalake. Napangiti siya sumandali. May mga masasayang alaalang nagbalik sa kanya.


Ang lalake sa litrato ay ang may-ari ng restaurant. Isa sa mga pinagkakasunduan ni Helena at ng may-ari ay ang hilig sa mga makalumang bagay. Isa pa ay ang-

damdaming pareho nilang nararamdaman sa isa't-isa.

Ang lalake ay ang kasintahan ni Helena simula ng sila ay nasa higschool pa lamang. Magkaibigan ang kanilang pamilya at napagkasunduan ang pagsasama ng yaman kapag ang dalawa'y ikakasal na.

Siya si Noah Limqueco(23).

Pagbukas ng pinto ay nagulat si Helena...

"Noah?"


Ano ang nakita ni Helena? Ano ang gagampanan ni Noah sa buhay ni Helena at ng mga Ponderosa?


Abangan ang susunod ng kabanata sa...

Wednesday, March 10, 2010

EPISODE THREE – PALIMOS NG PAG-IBIG

Niyakap na lamang ni Lara ang ina. Hikbi ang sinagot sa tanong nito. Inasahan na ni Elynnia na ito ang eksenang magagaganap. Paulit-ulit na naglaro sa kaniyang isipan ang kaganapang ito habang hinihintay ang pagbabalik ni Lara mula sa balwarte ng mga Ponderosa.

“Sinabi ko na sa iyo anak, wala tayong mapapala sa pamilyang iyon...”

Maglalakbay ang mga ala-ala ni Elynnia sa nakaraan, sa mga tagpong pilit niyang binabaon sa baul. Ngunit muling umahon ang mga ala-ala sa kaniyang gunita...

***

Mahal na mahal ko si Jose. Kaya kong ipagpalit lahat para sa kaniya... hindi ko pinakinggan ang sinabi ng aking mga magulang, wala akong pakialam sa bulong-bulungan ng iba... kasalanan ko ba kung umibig ako? Alam kong hindi siya unang naging akin... pero hindi naman nasusukat ang pagmamahal kung pang-ilan hindi ba? Kasalanan ko bang umibig sa taong may asawa? Masisisi niyo ba ang puso ko na siya lang ang tinitibok nito?

***


Nagmamadaling nag-aayos ng gamit si Elynnia (24), mabilis na nililigpit ang mga papeles na nakakalat sa kaniyang desk. Wala pang alas singko pero gusto nang umuwi ni Elynnia. Hanggang sa dumating na nga ang kaniyang iniiwasan...

Iluminada: Ikaw pala si Elynnia, ang magaling na sekretarya ni Jose.

Hindi kikibo si Elynnia. Dali-daling aalis ngunit mabilis na mahahawakan ni Iluminada nag kaniyang bisig.

Iluminada: Wala pang 5 nagmamadali ka na nang umuwi? Sa bagay iba na ang paborito ng boss...

Mapapansin na ng iba pang empleyado ang nangyayari. Umaakyat na nag kahihiyan sa mukha ni Elynnia. lalapit sa tenga ni Elynnia si Iluminada, “dapat ka ngang mahiya. Umaalis ka na nga ng hindi tama sa oras, nilalandi mo pa ang boss mo. Alam na alam ko ang mga caracas ng mga babaeng katulad mo, layuan mo ang asawa ko or else –“


Hanggang sa makikita ni Jose ang ginagawa ni Iluminada sa sekretarya. “Iluminada!” tawag ni Jose sa asawa. Magugulat si Iluminada at bibitawan si Elynnia.

Iluminada: I’m just talking to your “favourite” secretary and she’s not feeling well... let me take her outside...
Elynnia: thank you po ma’am pero kaya ko pa po.
Iluminada: no hindi mo kaya. I insist.

Walang nagawa si Elynnia.

Natahimik lang si Jose. Halos madurog siya dahil wala siyang magawa sa mga tingin ni Elynnia na humihingi ng tulong na waring nagsasabing, “ipaglaban mo ako.” Isang katahimikan. Dumaan si Elynnia at Iluminada. Walang ginawa si Jose.

Sa labas ng gusali, doon nga hinatid ni Iluminada ang sekretarya.
Iluminada: Simula ngayon, hinding-hindi ka na tutuntong sa gusaling ito. you’re fired.

Iniwan ni Iluminada ang dalaga, napaluha na lamang si Elynnia habang palayo naman ang asawa ng boss niya. Dinig na dinig ang matataas na takong sa mga palayong hakbang ni Iluminada na tila hinahamak siya, ang kaniyang buong pagkatao, ang kaniyang kaluluwa. May karapatan ba siyang umangal dahil sa mata ng mga tao siya naman talaga ang may sala?

***

Napaluha na rin si Elynnia habang yakap si Lara.

“habang buhay na nga siguro nating ililimos ang ating karapatan anak.”

Hikbi lang sinagot ni Lara ngunit naglalaro na pala sa isip nito na hindi ito maaari. Kailangan kong ipaglaban ang aming karapatan... para sa nanay ko. Para sa kinabukasan namin.

***

Saan hahantong ang mga painit na painit na tagpong ito? magagawa nga bang ipaglaban ni Lara ang pamilya ngayong isang mataas na pader ang babanggain niya? ngayong unti-unti na ngang nagkakalinaw ang lahat, paano magkakabuhol buhol ang buhay ng mga Ponderosa?


Abangan ang susunod ng kabanata sa...

Wednesday, February 17, 2010

Episode Two- Pobre Nina Rica

“Nagpapatawa ka ba?”

Ito ang mga katagang tanging nasambit ni Helena. Namutla ang mukha nito na animo’y binuhusan ng suka. Hindi niya alam ang gagawin. Maraming bagay ang tumatakbo sa kanyang utak.

Totoo ba ito? Who is this girl? Ang kapal ng mukha niyang pumunta dito. Ponderosa? Kapatid ko siya? Hindi! Hindi pwedeng mangyari ito. Pa?

Tinignan ni Helena ang mukha ng ama na parang batang nagpapaawa. Naghahanap siya ng senyales sa mukha ni Don Jose na magsasabing hindi totoo ang lahat ng ito. Iniisip niyang wala na siyang pakialam kung biro lang ito. Palalagpasin niya ang lahat ng rason huwag lamang ang katotohanang sumsampal sa kanya ngayon.

Ngunit nang magtapat ang mga mata nilang mag-ama ay gumuho ang pag-asang gawa-gawa niya sa sarili.

Tumungo ito.

Umiwas ng tingin.

Tumingin sa ibang direksyon at saka nagsindi ng sigarilyo.

Lalong namutla ang mukha ni Helena. Hindi na kinailangan pa ng mga salita. Nagsilbing kutsilyong humiwa sa kanyang puso ang naging reaksyon ng ama. Paikut-ikot na naman ang mga kataga sa utak niya.

Mama! Bakit mo ako iniwan? Alam mo na ba ito matagal na? Bakit inilihim mo ito sa akin? Magpaliwanag ka!

Sa sobrang galit at pagkapahiya, sa sarili at sa lahat ng taong nagsimulang tumingin, hindi napigilan ng nag-akalang unica hija ang kanyang mga kamay.

Lara: Hindi naman ako pumunta dito para...

Itinulak ni Helena si Lara. Napasubsob ang huli sa ginawa ng una.

Helena: (nagpipigil ng luha) Umalis ka dito. Wala kang lugar dito! Huwag mong babuyin ang burol ng mama ko!

Umalis ang dalaga palabas ng funeraria. Naiwan si Lara na pinagtitinginan ng mga tao. Itinayo siya ni Don Jose at inakay sa may gilid.

Don Jose: Pasensiya ka na. Nagulat lang si Helena.

Lara: Mali pala ho ako. Hanggang ngayon, hindi niyo pa rin kami kayang panindigan ni nanay.

Matapos ang mapait na mga salita ay kumaripas ng takbo si Lara. Sinubukan siyang pigilan ng ama ngunit hindi ito nagtagumpay. Mabilis ang takbo niya na tila inuunahan ng kanyang mga paa ang pagtulo ng kanyang mga luha. Mabilis siyang sumakay pabalik sa tricycle na nagdala sa kanya sa funeraria.

Tila napakahaba ang daan pauwi. Hindi makayanan ni Lara ang sakit ng puso. Napahiya sa harap ng mga taong kung tignan siya ay mababang uri lamang. Pakiramdam niya ay namaltrato siya ng “kapatid”. At higit sa lahat, hindi man lamang siya naipaglaban ng ama.

Patuloy na tumatakbo ang mga bagay na iyon sa kanyang utak. Hanggang sa tumigil na sa isang bahay na mapaghahalataang kapos ang mga mga naninirahan.

Pagbukas ni Lara ng pintuan ay nakita niya ang kanyang ina, si Elynnia Cruz (50). Hinihintay pala siya nito. Naramdaman na siguro nito ang nangyari kung kaya ibinuka nito ang kanyang mga bisig na senyales na inaalay niya ang yakap sa anak.

Elynnia: Ano ang nangyari?

*****

Aamini ba ni Lara sa inang si Elynnia ang nangyari? Sino si Elynnia? Ano ang kwento nilang mag-ina na habambuhay nang nakakabit sa mga Ponderosa? Ano na ang mangyayari ngayong sumingaw na ang simula ng gulo?

Abangan ang susunod ng kabanata sa...

Tuesday, February 9, 2010

Episode One- Familia Ponderosa

“Patay na si mama!”

Isang sigaw ang bumulabog sa mansion ng mga Ponderosa. Hindi magkandaugaga ang mga katulong sa malaking bahay. isang hikbi ang bumabasag sa katahimikan ng gabi, Si Helena Ponderosa (22), ang panganay na anak nina Donya Iluminada at Don Jose Ponderosa, ang isa sa mga pinakamayamang pamilya sa bansa. Abot langit ang pagtangis.

Nililinis ni Helena ang katawan ng ina, hinahalikan ang noo. Pinasuot ang magarang terno, ala pang Maria Clara. Inayos ang buhok na kagaya ng isang bun. Siya mismo ang naglagay ng make up. Pinapanalangin n asana kontrahin siya ng ina sa kulay na kaniyang nilalagay sa mukha nito.

Helena, hindi maganda ang lip stick ko.

Helena, i don’t like the color of my eye shadow.

Helena, my dress doesn’t match my make up.

Helena... Helena... Helena...

Wala na siya. Sinuot sa ina ang paboritong hikaw at kuwintas nito. Tinignan ng matagal ni Helena ang ina. Hinalikan sa noo at niyakap ng mahigpit, sa huling sandali.

Sa pagkawala ng matriarch, natatakot si Helena dahil alam niyang hindi madadala sa libingan ng mama ang mga lihim na bumabalot sa kanilang pamilya...

***

Siguro nga kapag bida ka, kailangan mong dumaan sa paghihirap. Kailangan mong maapi. Kailangan mong masaktan at matapakan. Kailangan mong umiyak ng balde balding luha. Kailangan mong mabigo. Kailangan mong maalipusta.

Iba na ang mga bida ngayon. Lumalaban na. Lalo na kung nasa tama. Ngayong wala na siya, hindi na muling masasaktan ang aking ina. Hindi na ako muling masasaktan. Hindi na ako matatapakan. Ito ay aking karapatan. Alam ko sa sarili ko na lumipas man ang panahon, masasabi ng nanay ko sa tatay ko “minsan ang minahal ay ako.” Pero posible kayang maibalik ang pagmamahal na iyon? Kahit sa anak na matagal nang naghihintay ng kaniyang kalinga?

Bababa sa tricycle sa tapat ng isang funeraria ang babae. Hawak ang belong itim, pakikiramdaman ang tao sa paligid. Dama niyang hindi siya nababagay sa loob.

***

Dahan-dahang lalakad si Lara Ponderosa (17), patungo sa maliwanag at magarbong funeraria. May umaawit na choir, malungkot ang piyesa, paborito raw ng namayapang donya. Niligid ang mata sa paligid. Magarang chandelier sa kisame, malawak at maliwanag na chapel. Mga posturang bisita. Wala siya sa lugar doon, hindi nababagay ang kaniyang simpleng bestida at ang nakapusod na buhok. Nakaitim siya, samantalang ang lahat ay nakaputi. Wala siyang pakialam.

Nahuli ng kaniyang mata ang hinahanap, nasa harapan si Helena. Nakaupo. Umiiyak.

Ngunit hindi niya ito lalapitan.

Lalapitan niya ang malungkot ding lalakeng nakabarong sa gilid, si Don Jose Ponderosa.

Lara: condolence po, Papa.

Narinig ni Helena ang mga kataga ng babaeng hindi kilala. Iaangat ni Helena ang ulo nito, titigan ang babae. Bakas sa mga mata nito na hindi niya kilala ang nasa harapan niya.

Lalapit si Helena sa dalawa.

Helena: Sino ka?

Lara: Ako si Lara. Lara Ponderosa.

Nanlaki ang mata ni Helena.

***

Ano ang pakay ni Lara sa burol nang isa sa mga pinakamayang pamilya sa bansa? Bakit dala dala niya ang pangalan ng Ponderosa? Sino siya sa buhay nina Helena? ano ang mga lihim na bumabalot sa pamilyang ito? Ano kaya ang tahi sa buhay ng dalawa? Abangan sa ikalawang yugto ng...

Saturday, January 23, 2010

Malapit na...

Sino ang tunay?
Sino ang huwad?
Sino ang magtatagumpay?
Sino ang mabibigo?
Sino ang mamahalin?
Sino ang madudurog ang puso?


Abangan...

Magtatapat Na!

Ang Pinakahihintay... (Mga Tauhan 4)

*Kasalanan bang ipanganak sa hindi buong pamilya? Kakayanin mo ba na sa bawat bagay na kakailanganin mo sa iyong buhay ay kailangan mo pang hiramin? Ipaglalaban mo ba ang iyong karapatan upang maging buo ang iyong pagkatao?




Pakikihati... Pagmamahal... Pagtatagumpay


Kilalanin siya sa...








Katulad ng naakasaad sa "Notice to the Public", hindi pag-aari ng mga tao sa likod ng blog na ito ang mga larawan at video na makikita dito. Ang mga artistang makikita ay hindi rin affiliated sa blog na ito. Inilagay lamang ang kanilang litrato bilang "peg", na sa tuwing mababasa ang mga karakter sa serye ay sila ang maiisip ng mga mambabasa.

Friday, January 22, 2010

Malapit Na...




Makukumpleto na ang mga Tauhan... Abangan bukas...

Sa Seryeng Babago Sa Buhay Mo...

Kasinungalingan...
Pagtataksil...
Pagmamahal...

Dahil hindi laging ligaya ang makakamit sa bawat luhang ipagpapalit.

Ngunit umikot man ang buhay at lumipas ang panahon at pag-ibig mo...

Hindi mo maikakailang...

Minsan ang Minahal ay Ako!



Katulad ng naakasaad sa "Notice to the Public", hindi pag-aari ng mga tao sa likod ng blog na ito ang mga larawan at video na makikita dito. Ang mga artistang makikita ay hindi rin affiliated sa blog na ito. Inilagay lamang ang kanilang litrato bilang "peg", na sa tuwing mababasa ang mga karakter sa serye ay sila ang maiisip ng mga mambabasa.

Narito na siya... (Mga Tauhan 3)

*Kasalanan bang mag-asam ng isang bagay na tanging sayo lang? Hanggang saan ang kaya mong ibigay upang mapasayo ang taong mahal mo? Sapat na bang dahilan ang Pag-Ibig upang gawin mo ang lahat?


Pagmamahal... Paghihiganti... Pakikipaglaban...

Kilalanin siya sa...





Katulad ng naakasaad sa "Notice to the Public", hindi pag-aari ng mga tao sa likod ng blog na ito ang mga larawan at video na makikita dito. Ang mga artistang makikita ay hindi rin affiliated sa blog na ito. Inilagay lamang ang kanilang litrato bilang "peg", na sa tuwing mababasa ang mga karakter sa serye ay sila ang maiisip ng mga mambabasa.



Darating na siya...


Walang masama sa pag-aasam ng isang bagay...

Kung maari mo lamang pirmahan ang lahat ng tao at bagay ng pangalan mo upang malaman ng buong mundo na sayung-sayo sila...hindi mo ba gagawin?

Ngunit mapaglaro ang mga batas ukol sa pag-ibig.

Hindi mo alam kung saan ka dadalhin nito kung piliin mong sumugal at makipagsapalaran...


Darating na siya...

Abangan siya mamaya sa...


Thursday, January 21, 2010

Mga Tauhan (2)

*Hanggang kailan magiging mas mahalaga ang pagkakaibigan sa pagmamahal? Sapat na bang maging mabuting kasama kapalit ang sariling kaligayahan?

"Natutuwa lang siya sa akin. Hindi ako ang gusto niya...pero mahal ko na ata siya."

"Lumaban ka! Nabuhay tayong may ganoong karapatan."

Pag-aasam... Pagkakuntento... Pagkakaibigan...


Leilani Reyes


*Natatapos ba ang lahat sa mahal mo siya at mahal ka niya? Kaya mo bang siguraduhin na magiging maayos matapos ang lahat?

"Ako na ang pinakamasayang tao sa mundo ngayon. Salamat!"

"Makal ko siya. Mahal din kita...pero bilang kaibigan."

Pagmamahal... Pagkakaibigan... Pamimili...


Alfred Garcia


*Totoo bang hindi mo makukuha ang lahat sa buhay? Kakayanin mo bang maghintay ng mahabang panahon para mapasayo ang mahal mo?

"Ano bang gusto mo? Lahat ibibigay ko, mahalin mo lang ako!"

"Nasa akin na ang lahat. Ano pa bang hinahanap mo. Pasalamat ka di kita pinagsasawaan."

Kaibigan... o KAibigan... Paghihintay...


Marcus Dela Rosa


*Nagtatagal ba ang pagmamahal kung maagang nasimulan? Magtitira ka ba ng para sa sarili mo o ibibigay mong lahat sa taong mahal mo?

"Matagal ko nang sinabi. Mahal kita! Hindi mo pa rin ba ako kayang pagkatiwalaan?"

"Wala kang kahati...sayung-sayo ako!"

Kasinungalingan... Pag-ibig... Pagkukubli...


Noah Limqueco


Lahat sila ay nagmamahal. Ngunit sino ang totoo? Sino ang huwad? Lahat ba sila ay liligaya o madudurog din ang kanilang mga puso?

Kilalanin sila sa...




Katulad ng naakasaad sa "Notice to the Public", hindi pag-aari ng mga tao sa likod ng blog na ito ang mga larawan at video na makikita dito. Ang mga artistang makikita ay hindi rin affiliated sa blog na ito. Inilagay lamang ang kanilang litrato bilang "peg", na sa tuwing mababasa ang mga karakter sa serye ay sila ang maiisip ng mga mambabasa.


Wednesday, January 20, 2010

Mga Tauhan (1)

*Paano nga ba masusukat ang tunay na pagmamahal? Maari nga bang magmahal ng higit sa isa?


"Hindi pa ba sapat na narito ako? Buo pa rin ang pamilya."

"Mahal kita. Mahal ko siya. Mahal ko kayo."


Kayamanan... Pag-ibig... Padre de Pamilya...


Don Jose Ponderosa




*Ano ang sukdulan ng kaya mong gawin para sa taong mahal mo? Kahit buhay mo ba ay gagawing kabayaran para maangkin mo siya ng buo?


"Ako ang pinakasalan mo. Una mo akong minahal. Akin ka!"

"Huwag nang para sa akin. Gawin mo para sa anak natin."


Paghihiganti... Luha... Kamatayan...


Donya Iluminada Tavera-Ponderosa




*Habambuhay ka bang makikihati? O sapat na ba ang mga salitang "mahal kita" upang matawag mong pag-aari ang mahal mo?"


"Sapat ka na para sa akin. Kumpleto na ako sa wakas."

"Matagal ng panahon ang lumipas. Hindi ako nagtatanim ng galit."


Pagpaparaya... Pakikihati... Ina


Elynnia Dela Cruz



Kilalanin sila sa...






Katulad ng naakasaad sa "Notice to the Public", hindi pag-aari ng mga tao sa likod ng blog na ito ang mga larawan at video na makikita dito. Ang mga artistang makikita ay hindi rin affiliated sa blog na ito. Inilagay lamang ang kanilang litrato bilang "peg", na sa tuwing mababasa ang mga karakter sa serye ay sila ang maiisip ng mga mambabasa.

Tuesday, January 19, 2010

Abangan...

Kailan masasabing kasalanan ang magmahal?

Kapag bawat tibok ba ng puso ay patak ng luha ang kabayaran?

O sa mga sandaling malamig ang gabi, ang akalang pag-aari, may nakakubling kahati?

Sino ang makakapagsabi ng Tama o Mali sa Batas ng Pag-Ibig?

Kasinungalingan...
Pagtataksil...
Pagmamahal...

Dahil hindi laging ligaya ang makakamit sa bawat luhang ipagpapalit.

Ngunit umikot man ang buhay at lumipas ang panahon at pag-ibig mo...

Hindi mo maikakailang...

Minsan ang Minahal ay Ako!